ARCHIPELAGO | FEATURES | TALK OF THE TOWN | TOP OF THE WEEK
| LITERARY | FORUM
NEIGHBORING RIGHTS NG BY HEBER BARTOLOME
Samutsaring Karapatan sa Industriya ng Musika Apat na basic rights ang dapat maunawaan ng isang komposer. Ito ay ang mechanical, performance, synchronization, at publication rights. Bukod pa ang tinatawag na neighboring rights at iba pang related rights ng singers, musicians, arrangers, publishers, producers, record companies, at iba pang may kaugnayan sa isang kantang nairekording. Ang mechanical rights ay kapag isinaplaka ang isang kanta upang ipagbili sa publiko. Kasama na rito ang cassettes, compact discs, digital audio tapes (DAT), open reels, at iba pang anyo ng produkto na gumagamit ng mekanikal na paraan upang mapatugtog ang isang rekording. Ang karapatan dito ng isang komposer ay ang kanyang mechanical royalties. Ang performance rights naman ay kapag ginamit ang kanyang kanta sa publiko tulad ng kapag kinanta sa mga concerts, tinugtog sa radyo, sa jukebox, sa pipe in music ng mga hotels, restaurants, at iba pa. Ang komposer ay dapat tumanggap ng performance royalties. Ang synchronization rights naman ay kapag ginamit ang kanta sa pelikula, sa telebisyon o kapag nilagyan ito ng visuals tulad ng MTV, atbp. Walang royalties na kailangang singilin dito kundi ang one time payment na license fee. Subalit sa bawat screening ng isang pelikula na may mga kanta, performance rights na ang dapat singilin dito ng komposer, hindi synchronization. Publication rights naman ang dapat niyang habulin kapag ginawan ng piano scores ang kanyang komposisyon, o kapag inilathala sa mga songhits, song magazines, at iba pa na pwedeng ipagbili at pagkaperahan. Iba pa ang publishing rights. Ang involve naman dito ay ang music publisher na siyang parang manager ng komposer o ng mga kantang isinulat ng komposer. Upang kumita ang publisher, kailangang ihanap niya ng music user ang mga kantang ini-assign sa kanya ng mga komposer. Fifty-fifty ang hatian ng komposer at publisher, pagkatapos bawasin ang 20% royalty tax. Sa kasalukuyang sistema ng ating music industry, hindi pa uso ang music publisher dahil marami sa mga music users ang hindi nagbabayad ng performance royalties. Mechanical Rights Dito sa atin, walang ngipin ang P.D. 49 o ang Philippine copyright law. Hangga ngayon ay naghambalang pa rin sa mga bangketa ang mga piratang cassettes. Hindi hinuhuli at walang humuhuli. Ibinibintang nila ito sa >mga muslim samantalang malinaw ang ebidensya na ang mga materyales na ginamit ay gawa ng isang malaking record company na member ng PARI (Philippine Association of Record Industry). Ayon mismo sa may-ari ng kumpanya, kostumer lamang nila ang mga pirata na bumibili sa kanila ng blank tapes. Bagamat ayaw aminin ang pagiging pirata, sinabi >niyang---"Mahirap tanggalin ang piracy, because there,s money in it." Kaya naman ganoon din ang sitwasyon sa Middle East, kung saan ang mga recordings ng Pinoy artists ay pinipirata. Pihadong may kakutsabang piratang Pinoy ang piratang Arabo. Walang magawa rito ang mga organisasyon sa buong daigdig na nagpapatupad ng intellectual property rights. Walang pakialam ang Saudi Arabia sa Berne at Rome Conventions. Hindi rin siguro kasali sila sa GATT para maapektuhan ng TRIPS (Trade Related Aspects of Intellectual Property Rights). Sino-sino ang nawalan o nanakawan ng karapatan sa cassette piracy? Well, walang mechanical royalties na matatanggap ang singer at komposer. Pero parang hindi naman nila ito pinapansin. Ang malaking lugi rito talaga ay ang producer na siyang gumastos sa kinopya ng mga pirata. Sound Recording Sa gilid ng mga labels ng plaka, cassettes, at CD ay napapansin naman siguro ng mga bumibili na may laging nakasulat na ganito: All rights reserved. Unauthorized copying, selling, hiring, lending, broadcasting, and public performance of this record prohibited. Patungkol ito sa sound recording. Nakapaloob at nakaugnay rito ang samutsaring mga karapatan. Kaya nga"All rights reserved. Pero maraming mga Pinoy komposer ang nalilito kung bakit pati ang "broadcasting, and public performance" ay bawal. Paano tututol ang isang komposer na tugtugin at marinig sa radyo ang kanyang kanta? Natutuwa nga siya e. Nakikiliti syempre ang ego ng isang artista kung maging popular ang kanyang likha. Ang katotohanan e ito: Habang ang musika ng komposer ay ginagamit ng radyo sa kanyang negosyo, ang inosenteng komposer ay nalunod marahil sa katanyagan, ni hindi niya alam kung ano ang kanyang karapatan. Ang mga komposer ay ugat ng industriya. Ngunit sila ang pinakaapi sa Philippine music industry. Gayunman, dapat nilang maunawaan na hindi lang ang komposer ang may karapatan sa isang sound recording. May karapatan din ang singer o ang recording artist. Gayundin ang iba pang kontributor para matapos ang isang sound recording. Sa ibang bansa, maging ang musical arranger ay may performance royalties na dapat tanggapin, lalo pa,t instrumental ang recording na ito. Kapag ang kanta ay nairekord na, inareglo man o hindi ng isang arranger, kinanta man ng isang sikat o baguhang singer, basta ito,y inirekord at pwedeng patugtugin sa publiko, lalo na sa radyo, sound recording ito. Bagamat ito tay pag-aari ng producer o ng record company. Nakapaloob rito ang karapatan ng komposer, ng singer o recording artist, at ng iba pang nagkaroon ng kaugnayan sa recording na ito. Malaki naman ang pagkakaiba ng isang payak na kanta sa isang bersyon ng parehong kanta na nairekording ng isang produser, lalo pa,t ito ay inareglo ng mahusay na arranger, inawit ng magaling a singer at tinugtugan ng mahuhusay na musiko. Ang kaigihan ng sound recording, six times a day pwedeng tugtugin ito sa radyo. Kung limang radio stations ang babayaran para mai-promote ang isang kanta, 30 times a day pwedeng matugtog ang isang kanta. Walang recording artist na kayang kumanta ng live, 30 times a day sa iba,t ibang radio stations, para mag-promote nito. Sa kaso ng mga banda at iba pang grupo na sila rin ang kumanta, tumugtog, nag-areglo, at komposer ng kanta, kung hindi sila ang produser, wala pa rin silang karapatang magpagawa ng mga cassettes at ipagbili ito kung hindi naman sila ang may-ari ng sound recording. Performance Royalties Mula Sa Mga Concerts Kung ang isang producer ay gagawa ng isang malaking konsyerto na ang production cost ay gagastusan ng milyong piso, magbabayad siya ng mga P80,000.00 para sa venue, mga P50,000 sa production manager, P150,000 sa musical director at arrangers, P1,500 sa bawat musiko, pwera pa ang rehearsals ng mga ito, P2,500 bawat isang dancer, P15,000 sa choreographer, P150,000 sa sound system at instrumento, P80,000 sa stage lights & special effects, P30,000 bawat sikat na singer, P20,000 sa scriptwriter, may bayad din ang stage managers, production assistants, publicists, at iba pa. Ngunit ang mga komposer na sumulat ng mga kantang gagamitin sa konsyertong ito ay hindi kasama sa listahan ng mga babayaran. Maraming produser ng mga concerts ang hindi nakakaalam na dapat din silang magbayad sa mga komposer o kaya ay sa publisher ng performance license o royalty. Kung walang komposer ay walang kantang kakantahin ang mga singers, walang aaregluhin ang arrangers, walang sasayawan ang mga dancers, walang tutugtugin ang mga musiko, at sa madaling salita---walang konsyerto kung walang komposer. Pero meron e. Performance Royalties Mula sa KBP Ang radyo, partikular sa mga FM stations na musika ang ikinabubuhay, kung walang musika, ay walang negosyo. Barya lang naman ang kanilang babayaran. Kahit parang jukebox, piso bawat kanta. Sa loob ng isang oras ay marami na ang labindalawang (12) kanta. Mura na yon. P12.00 sa isang oras. E sa isang oras, may 15 minutes na komersyal na ang bawat kalahating minuto ay maibebenta ng P500 hanggang P1,500. Samakatwid, maaaring kumita ng P15,000 hanggang P45,000 ang isang istasyon sa bawat oras. Kung On-The-Air sila ng 20 oras bawat araw, P300,000 araw-araw hanggang P900,000 ang tinatabo nila. P9M hanggang P27M isang buwan. Ano ba naman yung P12 bawat oras? Pagkatapos ng kung ilang taon na pakikipag-negosasyon at pakikipag-usap ng FILSCAP sa KBP, ay pumayag na rin itong huli na magbayad ng performance royalty para sa mga lokal at dayuhang komposer. Tumawad ang KBP sa proposisyon ng FILSCAP at nagkasundo sila sa halagang P7.50 bawat oras sa mga FM stations at P5.00 sa AM stations. Mas mababa naman ng konti at may pagkakaiba-iba ang bayad ng mga radio stations na nasa probinsya. Gaano kaya kalaki ang babayaran ng KBP taon-taon? Alam nyo, napakaliit lang ng Hongkong kumpara sa Pilipinas. Aapat lang diumano ang istasyon ng radyo rito kumpara sa atin na mahigit 400. Pero batay sa 1990 annual report ng CASH (Composers and Authors Society of Hongkong), ang nakolekta nitong royalties para sa mga komposer ay umabot sa $55,000,000.00. Ang 95% ng koleksyong ito ay mula sa performance royalties. Ang 5% naman ay nakolekta mula sa mechanical, synchronization at publication royalties. Ang report na ito ay ibinigay sa akin ni Jolland Chan Kim Wo, isa sa mga direktor ng CASH, noong magkita kami sa Papeete, Tahiti noong 1991. Cover versions, atbp. Santambak na problema pa sa Philippine Music Industry ang dapat asikasuhin at ituwid. Ngunit paano itutuwid ito e mismong mga kasapi ng PARI (Philippine Association of Record Industry), ay malayang gumagawa ng cover versions, multiplex at minus ones, nang walang lisensya mula sa komposer o publisher ng kanta. Ewan kung bakit. Ngunit ang katwiran nila ay "wala namang naniningil at naghahabol." Marahil, ang katatapos na simposyum ng WIPO dito sa Manila ay maging simula ng pagbabago para magkaroon ng ngipin ang ating copyright law. |
Nakilala bilang isang makabayang mang-aawit, si Heber Bartolome ay tapos ng Fine Arts sa U.P. at doon din nag-M.A. ng Filipino Literature. Isa sa mga founder ng Galian sa Arte at Tula, siya ay naging professor ng panitikan sa De La Salle University. Pansamantalang nagsusulat ngayon si Heber habang nag-iipon ng mga kanta para sa susunod niyang album. |
ARCHIPELAGO | TALK OF THE TOWN | TOP
OF THE WEEK | LITERARY | FORUM
CONTACT THE EDITOR
| PAST ISSUES
Copyright © 1997 Aspanet Resources, Inc.